Sa kadiliman ng malalim na gabi
Dito sa malayo at bagong lupain
Naglakad ako palayo sa lahat ng aking alam
Upang mahele sa iyong duyan.
Hindi ako sanay sa kahinaan
Ang pagpatak ng luha ay paminsan lamang
Ngunit sa bigat ng aking puso, hindi na kinaya
At kailangan nang kumapit sa iyong palad
Akala ko'y alam ko na lahat ng dapat kong malaman
At hindi na mahirap pang tumuloy sa buhay
Ngunit sa katiting kong lakas ay bumibigay
At sa kahinaan ng puso ako'y nahihimatay.
Hindi naman talaga ako malakas na nilalang.
Hindi ako ginawa upang magpasan nang mag-isa lamang.
Kaya patawarin mo kung hindi ko ito maamin
At kailangang pang lumapit sa iyo nang palihim.
Aaminin ko ngayon na hindi ko kaya.
Sa pagpatak ng luha ngayon, malamang alam mo na.
Ang aking pasan ay hindi na nakakayanan
Binubukas na ang aking braso sa iyong pagpasan.
Patawarin mo kung ako'y mapagpanggap
Matalino at tuso sa kanilang harap
Kahit alam mo na ito'y pawang kasinungalingan
Iniimbitahan mo pa ring ang maskara ko'y iwan.
At aminin na lamang ang tanging katotohanan:
Ako ay tao lamang at maraming kahinaan.
Hindi na kailangan pang ito ay itago sa ibang mga mata
Dahil sa paningin mo lamang, lahat ay alam mo na.
No comments:
Post a Comment