Mga kwentong hindi pa tamang isulat, di pa dapat ilathala
Mga damdaming sumisigaw bago sumikat ang umaga
Mga oras na lumilipad ang aking isip patungo sa'yo
Kahit hindi ko alam kung ika'y nasaan... o nakanino
Kay bilis lumipas ng nakaraan; hindi man lang natin namalayan
Na ang pagkakataon ay naglalaho; ang panahon ay tumatakbo
Ang mga dating hindi ko nasabi o sayo'y naparating,
Habambuhay na lamang kwentong walang titik
Katahimikan, kalayuan, kaibayuhan ang namamagitan
Nasaan ang dating samahan... Nasaan?
Ang ating paglisan ay unti-unti, dahan-dahan,
Ngunit sa isang iglap, ako'y narito, ika'y nariyan
Nais ko mang ibalik ang dating pagkakataon,
Kay rami na ng lumipas na panahon.
Mahihiling ko nalang na sinabi ko na noon
Pagkat ako'y nagsisisi sa katahimikan ngayon
No comments:
Post a Comment