ANG PAGSUYO
Ako’y nandirito, lumalapit nang marahan sa’yo
Dahan-dahang tumutungo sa paanan ng iyong trono.
Nais kong humingi ng tawad sa mga oras na ika’y nariyan
At kaunting pansin at tingin lamang ni hindi kita mabigyan.
Sa bawat pagsikat ng araw, mula sa pagdilat hanggang sa
pagpikit
Di man lang maisipang gantihan ang pagmamahal at
pagmamalasakit.
Ni hindi maipagpasalamat ang panibagong araw mong biniyaya
Kahit ilang minuto ng umaga mong bigay, napagdaramot ko pa.
Sa bawat segundong lumilipas na ako’y iyong iniingatan
Sa mga sakit na aking naranasan na ikaw lang ang nilalapitan
Sa panahong ako’y nalimutan at pinabayaan na ng iba
Ikaw pa rin ang nagpapahid ng mga luha sa mata
Sa iyo ang balikat na sumalo sa aking pag-iyak
At sa iyo rin ang mga kamay na kumapit sa aking pagbiyak
Mga pagkukulang ko’y kinalimutan at binura mong lahat
Pati bigat ng loob at pasakit, iyo pa ring binuhat
Sana maniwala ka na ito ay totoo:
Na ayaw na muling mawalay pa sa’yo
Ayaw na kitang iwan at kalimutang pahalagahan
Nais kitang makita, bumalik sa dating tagpuan.
No comments:
Post a Comment